Wednesday, March 28, 2012

Sana Pogi Ako

Lord, sana matigil na ang mga krisis na nangyayari sa Pilipinas. Sana matapos na ang impeachment trial ni CJ Corona. Sana matigil na ang pagtaas ng presyo ng krudo. Sana magkaroon na ng kalinawan sa isyu ng RH Bill. Sana kahit paano ay umunlad ang Pilipinas. At sana, pogi ako.

Minsan naiisip ko paano kaya kung ipinanganak akong pogi? Iyong tipong mala Ryan Gosling o Xian Lim ang itsura ko. Siguro hindi ako magiging torpe, hindi ako mahihirapang maghanap ng love life, at higit sa lahat hindi ako mahihirapang sagutin ang mga babaeng nagtatanong sa akin kung sino ang mas pogi, si Paolo Avelino ba na tisoy o si Coco Martin na moreno? Hindi eh. Hindi ako pogi. Pa'no ko sasagutin iyon? Kung biniyayaan lang ako ng Maykapal ng kapogian siguro ang isasagot ko, "Mas pogi ako dun." Kung sinabi ko iyon at hindi ako pogi, edi sangkatutak na 'kapal' ang namutawi sa mga bibig ng mga babaeng iyon. Tsk. Ang hirap ng hindi pogi. Buti nalang meron akong angking talino kahit papaano. Ika nga nila, 'God compensates on the other side.' Baka sa kung saan nalang ako pupulutin kung walang laman itong utak ko. Doon naman ako madalas napapansin eh, kasama ng aking mga talento. "Charles, ang galing mo!" Gusto ko namang marinig kahit minsan, "Charles, ang pogi mo! (Marry me!)"

Lord, sadya bang ang kapalaran ko'y ganito?

Susulat nalang ako sa Wish Ko Lang, kay Ate Vicky Morales. Gusto ko kasing tulungan ang parents ng nanay ko. Wish ko lang magkaroon sila ng sariling kabuhayan upang sa gayon ay magkaroon na rin sila ng libangan at pagkakakitaan. Pakisingit nalang ang wish ko -- wish ko lang pogi ako.

Iyong kababata ko, nadedeklara niya na pogi siya, kaya naman ang yabang ng aura niya. Nakakainis! Iyong gusto mong batukan sa sobrang pagkahambog. Pero sana ako rin poging katulad niya. O kaya mas pogi pa sa kanya. Kahit sinong babae na lalapitan niya, kasi alam niya na pogi siya. Hindi na siya nagdududa pa kung nagmumura ang babaeng kinausap niya pagtalikod niya o kung hindi. Kung may maiinis mang babae sa kanya’t sinabihan siya, “Ang feeling mo,” may panlaban siya kaagad.

“At least pogi.” O kaya, “Pogi pa rin.”

Guwapo ba siya talaga? Ah... eh... No comment. Next question please? Basta ang gusto ko, pogi ako! Malaking bagay ba iyon? Promise, hindi ako magmamayabang katulad niya... pero puwede rin. Kung mayamot man sila sa aking kaguwapuhan, nandyan pa rin naman ang utak. Kahit hindi ako Valedictorian, may binatbat naman ako kahit papaano. Magaling pa ako sa board games. Walang nakakatalo sa'kin sa scrabble.

Hayan na naman ako! Hinahanapan ko na naman ang sarili ko ng mga rason para maipagmalaki ang sarili. Kung alam kong pogi ako, di kuntento na ako.

Hindi tinupad ng Wish Ko Lang ang wish ko. Pero sana, pogi ako.

Iyon bang tipong lady at bading killer? Iyong maraming nagnanasa sa iyo? Iyong kulang na lang eh gusto kang i-corner sa may CR para molestiyahin? Iyong nakaka-uno ka sa mga subject kung saan ang teacher ay bading? Iyong tipong aabangan ka lagi araw-araw para makumpleto ang araw nila? Iyong tipong isang daan mo lang naglalandi na sila? Iyong laman ka lagi ng mga daydream ng mga nagnanasa? Iyong hindi ka nahihiyang makipag-EB o makipag-blind date? Iyong lagi kang ginagayuma’t kinukulam? Iyong puwede ka na sa showbiz?

Syet. What’s happening to me? Puro ako sana, sana, sana. Deliryo na 'to. Alam ko naman hindi iyon matutupad ni Lord.

Sana talaga pogi ako. Ang kulet, no?

Iyong ibang babae sa mga beauty pageant, ang paplastik. Kesyo mas pipiliin daw ang talino kaysa sa kagandahan. Asus! Nagpakipot pa, eh gustong-gusto naman na maganda sila, kahit na hindi marunong mag-Ingles. Iyong kayang mga guwapong hindi masyadong magaling sa pag-aaral? Siguro wish naman nila matalino sila. Trade? Huwag na. Puwede pa sana noong maliit pa ako. Kasi nga, puwedeng maangkin ang talino. Eh pa’no iyong mga artistang guwapo na kahit walang alam ay kumikita ng pera sa showbiz? Tsk.

Haaaaaayyy... Dapat siguro makuntento na ako. After all, kung walang mga taong hindi pogi, wala ring taong pogi. Heto na naman ako! Naghahanap ng pampakalma. Ano ba 'to epekto ng kaka-review ng accounting, taxation at business law? Sige, ipagdadasal ko na lang na sana tumigil na ang graft and corruption sa Pilipinas... At sana...

No comments:

Post a Comment