Bigla ko siyang natanaw mula sa kinauupuan ko. Tambay rin pala siya sa library ng ganitong oras, ala una y punto ng hapon, may dala-dalang libro na di naman ata gamit sa kung anumang klase. Kasalukuyan siyang nagbabasa ng dyaryo, Manila Bulletin pa nga ang hawak niya at marahan niya itong binabasa. Habang ako, tambay rin, dalawang oras kasi ang pagitan ng susunod kong klase. Walang magawa kundi tumulala (dahil may pasok lahat ang barkada), at matulog, at maghanap ng babasahin, at tumulala ulit.
Una niyang naagaw ang atensyon ko nang biglang bumagsak yung dala niyang libro sa paanan ko. Hayop sa laki at kapal, kaya hayop sa lakas ang bagsak. Tugsh! Tingin lahat sa kanya. Habang ako naman ang pumulot ng aklat. Ang kyut nga eh, parang napanood ko na 'to sa pelikula ng paulit-ulit akalain mo 'yun nangyari din pala sa akin. Pagkatapos no'n, humingi siya ng paumanhin sa abala at nagpasalamat.
"Leche! Ang kyut nya." Kinimkim ko 'to sa aking sarili habang papalayo sa kinalalagyan niya.
Sana sa paa ko nalang bumagsak 'yung libro para kahit wala lang tatanungin niya ako kung ok lang ba ako, 'yung nagaalala siya sa nagawa niya kahit hindi mismong sa akin.
Sana mabagsak niya ulit. O kaya naman, sana makabangga ko siya sa daan.
Dumaan ang mga araw, simula no'n, panay na akong nagmamasid-masid sa apat na sulok ng aming silid-aklatan, hinahanap-hanap ang kyut na kyut na may dala-dalang libro na paiba-iba bawat linggo. Bawat linggo, paiba-iba na rin ako ng puwesto. Tipong Lunes, mga sampung mesa ang layo ko sa kaniya. Martes, walo. Miyerkules, anim. Huwebes, apat. Biyernes, dalawa. Hanggang sa nalaman ko na ang paborito niyang pwesto.
Umiisang linggong pag-ibig ang drama.
Pagdating ng Sabado’t Linggo, napapaasa akong lumaktaw ng sandamakmak na dangkal ang pagtakbo ng oras. Pero okay lang. Dalawang araw rin ang pag-ipon ko ng lakas ng loob para tabihan na siya. Ito na 'yun. Dalawang laktaw na lang, andiyan na ko sa tabi nya.
Hay! Gusto ko na siyang makita ulit.
***
Tuwing ala una y punto ng hapon, panay akong napapapunta sa silid-aklatan. Ang luwag kasi ng sched ko sa sem na 'to, alas kwatro y punto pa lang, wala na akong klase. Kahit alas siyete ako umuwi araw-araw masilayan ko lang ang mukha niya, ayos na. Kahit pa magbasa ako ng magbasa habang hinihintay siya, ayos lang.
Mahilig ako magbasa mula pa sa pagkabata. Dala na rin siguro ng pagiging mapag-isa ko. Kaya tuwing ala una y punto ng hapon, matapos mananghalian, napapadpad ako sa silid-aklatan upang isa-isahin lahat ng mga librong nais kong tapusin bago ako magtapos sa kolehiyo. Sa dami ba naman ng mga 'yon.
Presko at tahimik naman sa silid-aklatan na pinapasukan ko. Dun talaga ako nakakapagmoment paminsan minsan kasama ng mga librong karamay ko sa pagdadrama.
Pero sa bawat pagdaan ng araw, mukhang napapaganda naman ang kapalaran ko. Wala naman masiyadong nagbago. Pareho pa rin halos ang mga taong nakikita ko tuwing daan ko sa silid-aklatan. Pareho pa rin ang mga nakikiagaw ng tingin, sumasaglit ng mapang-akit na tingin (syet, ang feeling ko ata). Pero may isang nag-iba.
Yung tipo ko, mukhang palapit ng palapit ang upo saken.
Syet.
Syet na malagket.
Napansin ko, bawat araw, lumalaktaw ang walangyang dalawang mesa papalapit nang papalapit sa akin. At pagtumpok ng Biyernes, dalawa na lang ang pagitan namin. Pagdating ng Sabado’t Linggo, inasahan ko. Pinagdasal ko. Pinagnovena, lahat na!
Sana sa Lunes, makakatabi ko na siyang muli.
Malakas na lumagabog ang pinto sa aking kwarto. Bigla akong naalimpungatan sa haba ng aking tulog. Syet! Isa lamang pala 'tong panaginip. Pero sana...
Magkatotoo.