Nalulungkot ka…
Naka-ilang oras ka na ring nakatulala sa kawalan, lutang, at tuliro. Hindi ka maka-usap ng matino at wala kang ganang gumawa ng kahit na ano mang bagay kahit na alam mong may pagsusulit ka pa kinabukasan. Nakatitig ka sa harap ng iyong birtuwal na papel na puting-puti pa rin matapos ang ilang oras na pag-aatubiling makahanap ng mga salitang magluluwal ng iyong kalungkutan. Wala, wala kang maisulat. Pinagkait ng pagkakataon ang mga katagang nais mong iluha. Nais mong iluha ng iyong paham na panulat ang mga kinitil na pangarap, ang mga ugnayang nawasak, ang mga nawaglit na pangako, at ang mga sandaling dahan-dahang lumipad sa alapaap, subalit ipinagkakait ng iyong diwa ang mga salita.
Marahil, hapo na ang iyong katawan.
Sumuko na ito sa pagkalat ng iyong kalungkutan sa iyong mga ugat. Dumaloy na sa kaibuturan ng iyong puso at isip. Nanuot na sa mga buto mo at maging sa kalamnan. Sinaid na nito ang iyong buong lakas. Siniil hanggang maagnas ang bawat piraso na iyong kabuuan. Pinilit mong iunat ang iyong kamay, ngunit ang mga daliri mo’y unti-unting dinurog ng kapaguran.
Marahil, bangag na ang iyong isipan.
Sinakop na ng kalungkutan ang buong ikaw. Sinakluban na nito ang mapaglaro mong utak. Hinigop na nito ang iyong malawak na imahinasyon. Pinagod sa kakabalasa ng mga bagay na walang katiyakang magbibigay pag-asa. Pinagod sa kahahanap ng sagot sa mga tanong na walang tiyak na patutungahan at hangganan. Pinilit mong hagilapin ang mga mapaglarong salita, ngunit ang mga salita’y isa-isang nawalan ng kahulugan. Kung paanong nawalan ng kahulugan ang mga bagay na pilit mong binibigyang pag-asa.
Marahil, manhid na ang iyong kaluluwa.
Ninakaw na ng kalungkutan ang mga ngiti sa iyong labi. Dinukot na nito ang malaya mong puso. Walang awang kiinuyom sa kanyang palad. Piniga hanggang ang lahat ng damdamin ay tumagas, hanngang ang lahat ng kaligahan ay masaid. Pinilit kong damhin ang pighati, ngunit ang mga imahe’y dahan-dahang nilamon ng kawalan.
Nais mong magsulat ukol sa mga mapagpalayang literatura, sa ‘di tumitilang ulan, sa ‘di makaunawang kadiliman, o kaya’y sa ‘di matahak na daan, subalit wala nang kabuluhan ang lahat ng ito.
Ikaw ay hindi na ikaw.
Nakakalungkot…
Hindi mo na alam ang kahulugan ng kalungkutan.
Hindi mo na alam kung paanong maka-alpas sa bitag ng kalungkutan.
No comments:
Post a Comment