Saturday, April 30, 2011

Walang tama
O maling pag-ibig
Ang bawat umiibig
Ay mapang-angkin
At mapanghimasok,
Mapagbigay, ngunit mapaghanap,
Mapagtiwala
Subalit madalas
Naghihinala at naghihimagsik.

Paano titimplahan
Ang kape ng pag-ibig,
Kapag labis ang tapang
Ay walang kasimpait,
At kung matabang, ay di nakakagising.
Kung sumobra ang tamis
Madaling pagsawaan ang pag-ibig,
At kung lubhang mainit
Ay nakakapaso sa dila at sikmura;
Kung malamig naman,
Ay mahal ko,
Kape ba ito?
Subalit hindi kape
Ang pag-ibig
Na itatapon sa lababo
Kapag nagkulang sa init, hindi
Tinuturuan ang pag-ibig
Ng tamang init at lamig,
Pinapayapa kapag lubhang nag-iinit
Pinapasigla kapag nanlalamig.

At kung nanghihimasok na nang labis
Ang pag-ibig ay hinaharang sa pintuan
At pinipigilan.
Nakikihamok ang pag-ibig
Sa pagbabantas
At sa panahon ng tagtuyot
At panghihina
Hihimukin ang pag-ibig, at pagyayamanin.
Walang tama o maling
Pag-ibig
Hindi. Hindi susuriin
O susukatin ang pag-ibig.

Ang marapat na tanong
Ay kung mayroon ngang pag-ibig.

Para Kay E.S., Priscilla Supnet Macansantos

No comments:

Post a Comment