Thursday, May 5, 2011

Luha't Pangungulila ng Isang Pusong Sawi

Masdan mo ang mga luhang walang patid sa pag-agos
Mula sa ‘king pusong basag, durog na animo’y pulbos
Ako’y nangungulila sa pag-ibig mong lubos
Ngayo’y nais madama ang masusuyo mong haplos

Dinggin mo ang palahaw dulot ng damdaming sawi
Sa pagpanaw ng pag-ibig ako’y nagdadalamhati
Wala nang bakas ng ligayang matatanaw sa ’king labi
Inaasam kong ang halik mo’y muli sakin ay dumampi

Hayaan mong balikan ko ang alaala ng kahapon
Nang minsan ang langit sa hiling ko ay tumugon
Noong tayo’y magkapiling sa bawat dapithapon
Tinutuos ang mga bugso ng tadhanang mapaghamon

Ngayo’y nasaan na ang higpit ng iyong mga yakap?
Na sa sandaling ito ay aking hinahanap
May pag-asa pa bang dala ang mga alapaap?
Na muli ang pag-ibig mo ay aking malalasap.

No comments:

Post a Comment