Saturday, September 11, 2010

Dulot ng Ulan

Naalala mo nung ika'y bata pa, madalas kang maligo at magtampisaw sa ulan. Hindi mo alintana ang mga maaaring idulot nito. Basta ang alam mo ibang kaligayahan ang dulot sa iyo ng ulan, pinapagaan ng bawat patak nito ang kakulangan sa iyong puso. Iba ang pakiramdam ng bawat butil ng patak nito, hindi mawari ng iyong isipan kung bakit pero nauunawaan ng iyong damdamin na siyang di matarok ng iyong paham na isip.

Masarap ang maligo sa ulan, iyan ang sabi ng damdamin mong nangungulila sa patak nito ngayong ika'y binata na. Ilang taon na rin ang lumipas ng itigil mo ang pagtatampisaw dito. Sa ulang kalaro mo noong iyong kabataan. Sa ulang hindi mo naman hiniling at dumating sa panahong hindi mo inaasahan. Sa ulang nagpakita sa iyong maaari kang tumingala sa langit at tumayo sa gitna ng kalsada, habang nilulunod ng mga patak ng tubig ang iyong buong katawan.

Ngayon habang nangungulila ka sa ulan, sumagi bigla sa isip mo... Itinuro sa iyo ng ulan na ang mga tao sa buhay mo ay darating at aalis kung kailan nila gusto. Wala kang magagawa. Hindi mo sila mapipilit na manatili. Hindi mo sila mapipigilang lumisan. Titila ang bawat ulan. Hindi nito sasabihin kung kailan, pero mararamdaman mo ang paglumanay ng hanging at ang paghawi ng mga ulap.

Ang maiiwan ay ikaw... at isang puwang.

Ang pangungulila ay hindi nag-uugat sa paglisan, kundi sa pamamaalam. Ang isang taong pinahahalagahan mo ay maaaring magpaalam nang hindi umaalis, subalit maaari rin siyang umalis nang hindi nagpapaalam. Paunti-unti. Dahan-dahan. Patuloy ang pagtakbo ng buhay sa kanya, habang sa iyo, dumarating sa bawat araw ang kapiraso ng wakas.

Nakakapagod maghintay kung kailan muling mapupunan ang puwang na tanging ikaw ang nakadarama. Mas madali itong pag-ipunan ng galit at pagkamuhi.

Pero hindi mo gagawin iyon. Hahayaan mo lang na dumaloy sa iyong pisngi ang mga luha at kahuli-hulihang patak ng ulan. Alinman ang unang maubos. Ikaw ay patuloy na tatayo sa gitna ng daan.

Maghihintay. Aasa.

Dahil kahit maging balewala ka na sa isang tao, mananatili siyang importante sa iyo.

No comments:

Post a Comment