Sunday, March 28, 2010

Anatomiya ng Alaala

Sa aking pag-iisa alaala ang pilit na sumasagi sa aking isipan...

Ngunit bakit di ko maisulat ang mga katagang magsisiwalat sa aking lumipas? Ninais kong iluha ng talas ng aking panulat ang mga alaala ng kinitil na pangarap, ang mga alaala ng mga ugnayang nawasak, ang mga alaala ng mga nawaglit na pangako at ang mga alaala ng sandaling lumipad sa alapaap. Subalit ipinagkakait ng aking puso't diwa ang mga mapapait at kahimbal-himbal na mga salita.

Maharil, hapo na ang aking isipan sa simbuyo ng aking kahapon.

Nanuot na ang lumipas na alaala sa mga buto ko't kalamnan. Sinaid na nito ang talas ng aking pag-iisip. Siniil hanggang maagnas ang bawat piraso ng alaala sa aking utak. Pinilit kong alalahanin ang lahat, ngunit ang mga ugat ng aking memorya ay unti-unting dinurog ng aking masaklap na pagkahapo.

Marahil, bubot na ang pagsikhay ng aking isipan para iluwal pa ang higanteng alaalang umuulinig sa aking tainga.

Sinakluban na ng panaghoy ng alaala ang mapaglaro kong utak. Hinigop na nito ang aking gunita. Pinagod sa kahahanap ng sagot sa mga tanong na walang tiyak na hangganan, walang patutunguhan kundi sa kawalan. Pinilit kong balasahin ang mga gunita ng lumipas; ngunit ang mga ito'y isa-isang nawalan ng kahulugan.

Marahil, manhid na ang buo kong pagkatao.

Dinukot na ng kapaitan ng alaala ang malaya kong puso. Kinuyom sa kanyang palad. Piniga hanggang ang lahat ng damdami't emosyon ay tumagas. Pinilit kong damhin ang pighati, ngunit ang mga larawa'y dahan-dahang nilamon ng kawalan.

Nais kong magsulat sa di tumitilang ulan, sa di makaunawang pag-iisip, o kaya'y sa di matahak na daan... Subalit lahat ito'y wala nang kabuluhan.

Ako'y hindi na matatawag na ako.

Nananangis sa bawat alaala...

Di ko na malaman ang kahulugan ng alaala.

No comments:

Post a Comment