Wednesday, May 18, 2011

Silid

Minsan hindi ko maiwasang maisip ka sa tuwing mapapadaan ako sa silid na ito - ang silid na nagsilbing daan ng ating pagkakakilanlan, nagsilbing tahanan ng ating mga munting pinagsamahan kasama ang mga panagrap nating hindi nabigyan ng katuparan. At sa muli, sa huling pagkakataon pumasok ako sa silid na ito. Marahil, alam mo kung bakit ako nandito, 'no? Oo, para sariwain ang ating nakaraan. Para sa pagsariwa kong ito ay tuluyan ko ng malinisan ang mga kalat na naiwan natin sa silid na ito, kung saan nabuo ang isang munting mundo sa tuwing nagkikita tayo dito.

At sa huling pagkakataon, papasok ako upang pulutin ang parte ng aking puso na naiwan sa pag-alis mo dito. Binalikan ko ito para mabuo ko ang aking puso sa labas, maging handa na iwanan muli sa ibang tao.

Naaalala ko ang dulas ng sahig, katulad pa rin ng dati, na sa tuwing ako ay maglalakad ng mabilis ay lagi akong kamuntikang madulas. Naaalala ko ang ginaw sa tuwing malakas ang ulan sa labas na kapag pumasok ako ng basa ay tumitindig ang balahibo ko sa lamig. Ngayon, kahit hindi maulan, malamig, kasing lamig na tila may malakas na ulan mula sa kalangitan. Naaalala ko ang simpleng pagsulyap mo sa akin mula sa harap sa tuwing magsisimula na ang klase. Naaalala ko kung gaano tayo kasaya kasama ang isa't isa na para bang bitin ang bawat sandaling magkasama.

Dito sa lugar na ito ko unang nakita ang mga mata mo, noo'y puno ng pagmamahal, sabay sa pagsambit mo ng mga salitang mahirap ng ulitin mula sa'yo sa panahong ito. Dito sa lugar na ito nag-umpisa ang pagmamahalang tila walang katapusan. ngunit dito rin sa lugar na ito nagtapos ang mga sandaling hindi mo pinangarap ngunit dumating, mga sandaling tila binawi na ng tadhana. Dito sa lugar na ito tumulo ang aking luha, kasabay sa pagpasya mong iwanan ako ng walang paalam. Naisip mong may mas malaking silid na naghihintay sa 'yo kasama ang iba.

Pinalaya na kita sa silid na ito at ngayon tuluyan ko na rin itong iiwan kasama ng mga matatamis at masasayang alaala na magbibigay buhay sa silid na ito sa susunod na ako'y muling mapadaan - ngingiti dahan-dahan, papalayo. Isa lang naman ang hiling ko - na sana sa nahanap mong silid, mabuo ang isang wagas, malaki at makulay na mundo na minsan nating pinangarap ngunit hindi mo hinayaang mangyari. Sana'y mahalin ka niya ng higit pa sa kaya ko.

No comments:

Post a Comment