Nalalapit na ang ating muling pagkikita.
Ngayong darating na sembreak, magbabakasyon ako sa bahay ng aking Tiyahin upang doon manirahan pansamantala kasama ang aking mga pinsan. Sa aking pagbabalik kung saan naiwan ang mga alaala ng ating unang pagkikita, unang pagsasama, at unang paglalayo—muli kong pagmamasdan ang mga pangakong nawaglit ng kahapon, ang mga kinitil na pangarap, ang mga ugnayang nawasak, at ang mga sandaling lumipad sa alapaap na tayong dalawa lamang ang nakakaalam. Hayaan mong balikan ko ang alaala ng kahapon. Kung saan minsan tayo'y naging tunay na maligaya, kung saan minsan tayo'y iniwan ng tadhana.
Ganoon pa man, hindi ako lubos na nanghihinayang.
Nakakatuwang isipin na may mga aral sa kaganapan na ito, hindi ko pinagsisisihan ang mga nangyari sa ating dalawa. Wala ni isang butil ng pagsisisi akong nararamdaman. Masaya ako hindi dahil naka-move on na ako kundi dahil minsan sa buhay ko ay pinagtapo tayo ng tadhana kahit na 'di panghabambuhay. Nakasisiyang isipin na sa pagmumuni-muni kong ito, nalalalaman ko kung gaano ako napamahal sa iyo na ganito na kita minahal, na ganito ako nabaliw sa iyo sa sandaling panahon na nagkakilala tayo.
Naalala ko pa noong una kitang makita sa daan malapit sa tindahan ni Aling Mameng. Tanging ang tinig ng halakhak mo ang nakilala ko sa maulan na araw na iyon kasama ng iyong mga kaibigan. Hindi ko man ito ginustong pansinin, hindi ka na nawala sa isip hanggang tangayin ka ng iyong mga kaibigan patungo sa loob ng inyong bahay.
Simula noon, hindi na ako natahimik sa bawat sumunod na pagkikita. Sa taimtim na paraan, pinagmasdan kita nang hindi mo napapansin. Ilang beses kitang ginustong lapitan, pero madalas na nangibabaw ang kaba at sanlibong dahilan na paulit-ulit kong sinabi sa sarili na mas mabuti kung hindi na lang.
Kaya't wala sa atin ang nagakalang hahantong tayo sa isang malalim na relasyon. Minsan lamang nagtapat ang ating landas. Wala tayong pagkakahalintulad, magkaibang-magkaiba ang ating mga ugali at iniisip. Bukod sa paminsan-minsang pag-uusap na hindi naman lumabas sa mga pangangamustang walang katapusan, wala nang naganap na iba pang palitan sa ating dalawa.
Ngunit katulad ng maraming bagay, ibang sopresa ang bitbit ng ating mga maling akala. Unti-unti, mas nakilala natin ang isa't isa. Palagi mang limitado sa mga nakaw na sandali ang mga panahong magkikita tayo, sapat na ito upang matuklasan natin ang pagkakawing at pagkakaugnay ng ating mga motibasyon at mga minimithi.
Kay ganda ng ating pinagsamahan, hindi ba? Marahil hindi na nararapat pang talakayin kung bakit at kailan ito nagwakas. Mas masayang balik-balikan ang mga masasayang alaala, mas nakasisiyang balik-balikan ang umpisa kaysa sa napintong wakas.
Nalalapit na ang ating muling pagkikita. Ngunit nakakatuwang isipin na imbes na panghinaan ako ng loob sa muli nating pagtatagpo, mas nanaig parin ang walang ibang inasam na makita kang maligaya matapos ang lahat, kahit na hindi na ako ang dahilan nito.
Naalala ko ang minsan mong sinabi: na ang bawat pinagsamahan ay alaala ng pangako ng kahapon sa isa't isa. Isang pangako na muling magdudulot ng kasiyahan at mas malalim na pagkatuto sa nakaraan.
Tatanawin kita nang madalas sa kalawakan. Sa bawat pagtanaw ko sa mga bituin sa kalangitan, mababalasa ko ang mga kislap ng iyong mata na matagal ng naglaho ngunit nandiyan pa rin nabibigay liwanag para sa darating na umaga.
No comments:
Post a Comment