Sunday, June 10, 2012

Dagling Pag-ihip

MONOLOGO

Di ba kapag nagmahal ka ng isang tao, gusto mo malaman din niya. Gusto mo. Siguro sa ‘di matukoy na dahilan, gusto mo. Gaya ng hirap ng paghanap ng dahilan kung bakit mo siya gusto, gusto mo. Gusto mong malaman niya kung pa'no ka niya pinapangiti nang husto kapag nandiyan siya. Kung pa’nong gigil na gigil ka nang kurutin siya sa pisngi dahil kahit ano pang gawin niya, ang kyut kyut niya talaga. Kahit para sa’yo lang. Gusto mong mabasa niya lahat ng iba’t-ibang uri ng panitikang naisulat mo dahil sa kanya. Gusto mong ipakita sa kanya lahat ng tinago mong abubot na paalala ng inyong pagsasama. Gusto mong malaman niya kung ga’no karaming oras ang ginugol mo kakapantasya sa kanya, kakaalala sa kanya, kakaisip ng sasabihin sa kanya. At ngayon, ‘yon ang gusto mong sabihin sa kanya. Pero hindi dahil umaasa kang ibalik niya ‘to sa’yo. Tanggap mo na e. Kahit ga’no pa kahirap, naka-move on ka na e. Gusto mo nalang sabihin. Para ‘di mabalewala. Kung lungkot na nag-iisa ka o galit na wala siyang paki o saya na naka-move on ka na, hindi na siguro ‘yon mahalaga. Gusto mo nalang talagang sabihin sa kanya. Pero ‘di mo magawa.

At kung hindi mo sinabi? Baka. Baka buong buhay ka lang magsisi. Malay mo siya na pala ang tinadhana ni Allah, ng Diyos, o ni Buddha. Malay mo siya na pala ang pinana ni Kupido o ng kung sinong gago. Malay mo, siya, ang kauna-unahang nilalang na minahal mo, ang siyang tanging mamahalin mo maalaala mo kaya, sa dulo ng walang hanggan at magpakailanman. At dahil hindi mo sinabi, wala na. Hindi tulad ni MJ o FPJ, hindi mo magagawang makalimutan ang pagkawala niya basta sa’yo nang wala kang ginawa. Iiyak ka ng higit pa sa iyak na ‘di mo pa naiiyak ‘pag nagkaro’n na siya ng iba habang ikaw, hindi man lang nagkatiyansa dahil hindi mo sinabi. Tapos ipapakilala sa’yo na parang wala ka lang. Parang hindi ka nagpakagago sa kanya. Parang kung sinong kaibigan ka lang na nakasabay sa dyip, nginitian, pinagpaalaman. Habang ikaw, nananatili sa ideyang hinding-hindi magkakatotoo dahil hindi ka nagsabi. Huli na. Daig ka pa ni Cory na iniyakan niya. Patay kang buhay. Pero hindi ka napansin. Wala kang kwenta.

DAYALOGO

“Mahal kita. Gago kung alam mo lang. De. Minahal. Pero hindi ko alam kung mahal pa rin kita. Basta tanggap ko na, okay? Gusto ko lang sabihin. Alam kong kahangalan pero sana walang magbago. Sana sa susunod nating pagkikita, parang wala lang. Sana kapag nagkita tayong magkakaibigan, kahit kunwari lang, magkasundo tayo. Asarin mo pa rin ako. Sige na. Ayoko lang may makahalata. Marunong ka naman makisakay e. Alam mo naman magbasa ng tao. Isa nga 'yon sa dahilan kung bakit kita nagustuhan. Kaya mo na ‘yan. Hindi lang ‘yon ang gusto kong sabihin pero sa ngayon sige ‘yon na muna. Sorry.”

Baba.

No comments:

Post a Comment