Friday, September 21, 2012

Sa Uulitin Dude

Nagagalak akong makita ka matapos ang nakakapanlumo kong araw. Bigla akong nabuhayan kahit papaano nang makita ko ang ngiti sa iyong mga mata. Nakakahawa pa rin talaga ang sigla sa iyong ngiti. Sana'y madalas ko itong makita nang sa gayo'y makalimutan ko naman ang salitang lungkot.

Maaliwalas ang mukha mo, gumanda ang iyong pangangatawan, o sa madaling salita blooming ka. Kung sa bagay, noon pa man ay blooming ka na parati mo kasing dala iyang nakakahawa mong ngiti. Maaari bang minsan ay ipahiram mo sa akin iyan?

Masyado palang maingay ang utak ko. Pagpasensyahan mo na kung nakailang beses mo na akong tinanong kung kamusta ako.

Kamusta nga ba ako?

Pinilit kong tumingin nang diretso sa mga mata mo. Saka dahan-dahang inilabas ang matagal ring pinagpraktisang ngiti sabay sabing: ayos lang naman ako. Medyo may iniisip lang. Alam kong hindi ka na magtatanong ulit, masyado kang masaya para intindihin ang mga salitang, "medyo may iniisip lang." Ayos lang, ang mahalaga ay nariyan ka.

Inaya mo akong kumain sa paborito mong kainan. Hindi mo na ako tinanong kung saan ko gustong kumain pareho lang naman kasi halos lahat ng gusto natin. Ganyan tayo ka-close.

Nagdirieta ka kaya halos lahat ng inorder mo ay ipinakain mo sa akin. Masyado tuloy akong nabusog imbes na magreklamo nagpasalamat nalang ako sa iyo.

Matapos nating kumain nag-umpisa ang mga naipon mong kwento at katarantaduhan na kadalasan sa akin mo lang sinasabi. Tawa ako nang tawa matapos mo akong busugin. Na-miss ko ang mga ganitong pagkakataon. Masyado ka na kasing busy sa trabaho mo kaya minsan 'di na natin nagagawa ang mga kalokohan natin, nakakainis lang isipin at alam kong magpapatuloy ito na maaaring lumala pa. Ayokong isipin pero unti-unti ng dumarating 'yun.

Sandaling tumahimik ang paligid. Sa sandaling iyon, napagtanto ko na napakabait mo talagang tao. Minsan naiinggit ako sa'yo, nasa iyo na kasi halos lahat — mabait, matalino, masipag, matiyaga, talentado at marami pang iba (baka lumaki lalo ang ulo mo kapag sinabi ko pa ang lahat.) Halos lahat ng katangian mo kabaligtaran ko. Hindi ako mabait, hindi ako matalino (sapat lang) at lalong hindi ako talentado. Tulog ata ako nang magsabog ang Diyos ng mga iyon. Kaya nga hanggang ngayon hindi ko pa rin maisip kung bakit ka sinaktan ng todo ng ex mo. Siguro, ganun talaga ang mundo. Alam kong darating 'din ang babaeng para sa iyo. Maghintay ka lang. Siya na marahil 'yung mas maganda, mas mabait, at mas matalinong hinahanap mo. O kahit hindi na iyon, basta mamahalin ka lang ng tunay. Hindi naman importante sa iyo 'yun.

Masyado ka ng maraming nakwento at inabot na tayo ng gabi. Dapat kasi mas inagahan ko pa para hindi tuloy ako nabitin. Nasabi ko sana iyo ang aking mga dinaramdam na problema. Pero hindi ko na rin ninais pang sabihin. Hindi bagay sa sitwasyon. Nagpadala nalang ako sa agos ng iyong kaligayahan.

Sa kabilang banda, nalungkot pa rin ako. Nakipagkita ka nga pala upang magpaalam. Aalis ka nga pala papuntang New York City para asikasuhin ang proyekto niyo doon. Nakakatuwang makita ka pero nakakalungkot din. Halos dalawang buwan ka din doon, akala ko pa naman libre ka sa darating na sembreak kahit papano. Nakakatampo pero alam ko namang mas mahalaga ang trabaho mo. Nauunawaan ko naman.

Gusto mo sana akong isama sa paghatid sa iyo sa Airport pero tumanggi ako. Alam mo namang mahina ako pagdating sa pagpapaalamanan. Hindi ko alam pero nalulungkot akong nakikitang umaalis ang mga tao sa buhay ko. Nakakaiyak. Nakakabasag ng damdamin. Kahit pa sabihin nating pansamantala lang.

Walang pagaatubili ka nalang nagpaalam, niyakap mo ako at sabay sabing:

"Sa uulitin dude!"

Wala na akong nasabi pa. Masyado ata akong nadala ng kalungkutan at kahit ingat ka ay nakalimutan ko pang sabihin.

Umuwi akong nadagdagan ang aking pasanin. Tinanong ko ang aking sarili:

"Bakit ba lahat ng taong mahahalaga sa akin ay kailangang umalis o lumayo?"

Kapalaran ko na marahil ang pag-iisa. Okay lang, masasanay din ako.

No comments:

Post a Comment