Saturday, June 9, 2012

Cubao-Divisoria

Isang gabi, alas nuebe y punto,
Sumakay ng dyip lulan ang maraming tao.
Kanya-kanyang nakaraan, iba't ibang kasalukuyan,
Subalit iisa lamang ang tinatahak na daan.
Sa gitna ng liwanag sa loob ng dyip na siksikan,
Mauulinig ang isang kakaibang tawanan.
Nagmumula sa grupo ng mga kababaihan.
Malalaki ang katawan subalit pulos nakapostura,
Masel na 'di naikubli ng suot na blusa,
Foundation na ipinahid sa prominenteng panga,
Koloreteng nagpupugay sa karaniwang mga mata.
Malalaking boses na pinabini para 'di mahalata.

Ako'y napaisip, saglit napatitig,
Sa kawalang wari ko'y nakaririnig.
Paano'ng itinago ng meyk up ang lungkot sa mukha?
Bakit 'di nabura ang mascara ng mga luha?
Isang gabi sa ilalim ng buwang puno ng madidilim na lihim,
Karangalan ba nila'y ilang ulit nang ginula-gulanit?
Salaping pantapal sa tawag ng laman,
Ni minsan ba'y 'di naghangad ng tunay na pagmamahal?
Sansaglit tumitig sa'kin ang isa sa kanila,
Sa mga mata niya'y bakas paghingi ng pang-unawa.
Sino ako upang humusga?
'Di ba't tao rin akong tulad nila?

No comments:

Post a Comment