Hanggang dito ba naman, ako'y sadyang naghihintay parin?
Inilapag ng waitress ang styrofoam ng chicken at spaghetti, karton ng french fries at ang cup ng sundae. Ihinuli ang tissue, isang plastik na kutsarita at dalawang pares ng plastik na kubyertos. Panandaliang sumagi sa aking isip na isauli ang isa. Aanhin ko naman iyon? Mabuti nga’t makakatulong pa akong matipid nila ang gastos sa isang pares ng plastik na kubyertos.
Pero huwag na lang. Sayang sa laway. Tutal, kasalanan naman nila iyon e; hindi dahil dalawa ang order ko, chicken at spaghetti, e dalawang tao rin ang kakain. O baka naman naniniguro lang talaga sila. Sabagay, mas mabuti na ang sobra kaysa kulang. Pero teka, hindi ba napansin ng kahera na isang coke float lang ang order ko? At isa pa, spaghetti ang isa kong order hindi na kailangan pa ng kutsara.
Ang diskurso sa aking isipan ay panandaliang naantala ng matingkad na kulay yellow at violet na hindi nawawala sa gilid ng aking paningin. Nang iangat ko ang aking mga mata, kinakausap pala ako ng waitress.
“Sir!” Medyo malakas, pang-ilang beses na kaya niyang inulit iyon? “May kulang pa ho ba?”
Oo, meron pang kulang. Kaso, hindi nga lang pagkain.
Umiling ako, saka ko inabot ang table number na tangi kong kasama sa halos dalawampung minuto ko ring paghihintay sa aking makakain. Kung hindi ko lang paborito ang french fries ninyo, hindi ako magtitiyaga rito.
Yellow at violet. Pamilyar ang kombinasyon ng kulay. Complementary colors, iyon ang tawag sa kanila. Tulad ng red at green (Pasko). Ng blue at orange. Naalalaa ko noong elementarya, sa dami ba naman ng color wheel na naiguhit ko mula grade one hanggang grade six, hindi ko iyan makakalimutan.
Paborito ko noong elementarya ang Art. Kahit na hindi naman ako ganun kagaling gumuhit, may abilidad naman ako sa ibang aspeto ng art. At iyon lamang ang nagpapataas ng marka ko sa subject kong MAPEH (Music, Arts, Physical Education and Health). Ipinanganak na kasi akong sintunado, lampayatot pa ako noong bata, madaling dapuan ng sakit, kaya olats talaga ako sa Music, PE at Health. Binabawi ko lahat sa Art: pagguhit ng tanawin, pagkulay gamit ang water color, paggawa ng eggshell mosaic, pagtupi ng papel para maging origami, paggupit ng art paper at higit sa lahat, pagkulay ng color wheel.
Ang color wheel ay may sandosenang kulay: tatlong primary (red, yellow at blue), tatlong secondary (orange, green at violet) at anim na tertiary (red orange, red violet, yellow orange, yellow green, blue violet at blue green). Magkakatapat ang mga sinasabing complementary colors. Kahit saang parte ka ng mundo magpunta, ang complementary color ng blue ay orange samantalang ang sa red violet ay yellow green. Mas may buhay raw kasi ang isang larawan o bagay kung gagamit ka ng complementary colors.
Sa murang edad, naitatatak na sa isipan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kapareha. Kaya si Adan ay may Eva, si Malakas ay may Maganda at si Jill ay may Jack.
Hindi ba’t paboritong exam ng mga bata sa Nursery at Kindergarten ang matching type? Ang kutsara, sa tinidor. Ang pagkain, sa plato. Ang basketball, sa ring. Ang baseball, sa bat. Ang papel, sa gunting. Ang kamay, sa gwantes. Ang paa, sa sapatos. Sakto lang ang pagpipilian. Bawat isa, may katerno. Ganoon kaperpekto ang mundo.
Sa high school lang naman nauuso ang limpak-limpak na choices. Dalawangpu lang ang items ng exam, pero A hanggang Z ang pagpipilian.
Pagtanda mo, natututunan mong may latak.
At may matandang bigla na lang tumambad sa aking harap na pumukaw sa aking nanahimik na atensyon; tulad ng pagsulpot ng engkantada sa harap ni Pinocchio upang siya ay gawing tunay na bata.
Si Lola naman, ginugulat ako.
“Totoy, may katabi ka?”
Mababa ang boses na medyo malat. Akala ko noong una, lalaki si Lola. Kasama pala si Lolo. Hawak kamay. Dagli ko pang sinilip ang tatlong bakanteng upuan sa aking mesa, saka sinabing, “Wala po. Sige po, dito na lang po kayo, tutal mabilis naman po akong kumain.”
“Salamat ha, Totoy.”
Sabay ngisi si Lola. Gusto ko sanang sabihin kay Lola na halos pwede na akong mag-asawa, hindi na ako Totoy, pero naalala kong masamang sumagot sa nakakatanda. At wala pa akong balak mag-asawa, marami pa akong pangarap. Marahan na umupo si Lola sa tabi ko, si Lolo ang pumila matapos iabot ni Lola ang Senior Citizen ID.
At dali-dali ko ng sinisimulan ang pagkain.
“Totoy, bakit ang dami mong pagkain?” Kalabit ni Lola sa aking balikat nang akma ko nang dadamputin ang styrofoam ng spaghetti. Itinuturo niya ang mga stryrofoam.
“Wala po, medyo gutom lang po at nalipasan.”
“Akala ko may inaantay kang kasama?” Inayos niya nang bahagya ang salamin sa mata at ngumiti nang pilit; tila kasalanan sa Diyos ang pag-order ng marami na wala namang kasama at ikaw lang ang kakain.
Wala po. Ako lang po talaga ang kakain nito.
“Ganyan ka ba talaga kumain e hindi ka naman katabaan?”
Paano ko naman masasagot ang tanong na iyan e hindi ko din alam ang sasabihin. Sadyang matakaw lang talaga ako.
Hindi ko sinagot si Lola. Bagkus, inilipat ko ang kanyang atensyon sa pila kung saan umoorder ng pagkain si Lolo. Sumesenyas si Lolo. Mukhang nakalimutan sabihin ni Lola kung anong inumin ang gusto niya.
“Totoy, pabantay muna ng gamit ko ha? Sandali lang. Ulyanin na talaga itong asawa ko.”
Unti-unti ko ng naubos ang aking sundae ng hindi namamalayan. Saka ko sinunod ang french fries. Oras na para buksan ang pakete ng ketchup. Dinampot ko ang limang ketchup at isa-isa kong binuksan at inilagay sa tissue. Piniga ang bawat laman hanggang sa masaid. At, dumulas ang aking kamay. Tumama ang aking siko sa styrofoam ng chicken at nalalag ang plastik na kubyertos sa ibabaw nito. Buti nalang plastik ang mga iyon hindi umalingawngaw sa buong kainan ang kanilang pagbagsak sa sahig.
Dahan-dahan akong yumuko at dinampot ko ang dalawang kubyertos. Dalawa.
Buntong-hininga.
Mabuti pa ang tinidor, may kutsara.
Sana pala nag-takeout na lang ako.

No comments:
Post a Comment