Friday, November 9, 2012

Nalalabi ang pagsasama sa pagpatak ng umaga
Sa gabi nakasalalay ang tagal ng paggunita
Nagsisilbing taguan itong ating kulungan
Kwartong sarado sa sentimyento ng sansinukuban
Naglalakad ang aking sampung mga daliri
Sa iyong brasong makitid, tensiyonado’t maliksi
Saksi sa atin ang mga lampara ng kalangitan
Sa paghaharaya ng munti nating isipan
Binabalutan ako ng kumot ng iyong yakap
Kislap ng mga mata’y animo’y mga alitaptap
Hinaharana kita sa awit ng aking paghinga
Puso nati’y tumitibok ng walang pahinga
Sa saliw ng sayaw ng ating mga kamay
Nakikinood pati ang parating na bukangliwayway
Palad ko’y sa iyong kagandaha’y dadantay
Ulo ko’y sa iyong dibdib ay hihimlay
Sa ating pagsasalo, ang mundo’y hihinto
Bawat hininga ko’y tatalupan ang iyong pagkabuo
Lalapatan ng tinig ng iyong buntunghininga
Ang tahimik na lugar ng ating pagsasaisa
Pumupukaw man sa bintana ang lamig ng gabi
Nalalapnos ang balat sa init ng iyong pagtatabi
Maaari bang banggitin mo ang aking pangalan
Kasabay ng salitang alinsunod sa ‘ting pag-iibigan
O aking giliw na sabi’y hindi para saki’y nararapat
Kasalanan man ang sabihin ng iba, ako’y tapat
Sa bawat halik, dampi ng kamay sa ‘yong katawan
Sa bawat salitang nagpapatotoo sa ‘ting pagmamahalan.

No comments:

Post a Comment