Mabuti pa
ang blankong papel
laging handang
makinig, makiramay
sa anumang
idinadaing mo.
Mabuti pa
ang kwaderno
laging handang
ipaalala na
hindi ka
nag-iisa.
Mabuti pa
ang bolpen at
ang kanyang tinta
hindi nagsasawa
sa bawat salita
ng kadramahan,
kalungkutan at kabaliwan
ng iyong yaring buhay.
Mabuti pa
ang tasa ng kape
binabantayan ka
sa bawat gabing
mapanglaw, nag-iisa't
tila walang katapusan.
Mabuti pa
ang unan
parating handang
sumalo sa bawat
patak ng iyong
maalat na luha at
ni minsan hindi
dumaing sa higpit
ng iyong yakap.
Mabuti pa
ang mga bagay
na walang buhay
nakikita ang bawat
sakit sa iyong kalooban.
Kailan kaya
darating ang araw
na ang lahat ng mga ito
ay ipadadama sa akin
ng isang tao?
Kailan?
Mabuti pa
Mabuti pa
Mabuti pang
matulog ka nalang
baka sakaling
doon makahanap
ng isang kawing
na kasagutan.
Sana...
mabuti pa nga.
No comments:
Post a Comment